Para Kay Manang Jean

Noong pumanaw si Manang Jean ay kaagad dumagsa sa East Avenue Medical Center ang kulang kulang na 30 katao. Kasabay noon ay mga 50 mga kabaataan ang labas, masok naman sa kanyang bahay. Lahat ay hindi makapaniwalang di na nila muli pang makakapiling si Manang Jean. Karamihan sa kanila ay bagong graduate, ang iba naman ay nag-aaral pa. Mga 18, 19, 20 ang kanilang mga edad. And Manang Jean is 57 years old.

Ito ay isang pagpapatunay na ang impluwensya at pagkatao ni Manang Jean ay walang kinikilalang edad o kasarian man. Madalas nyang sabihin na hindi sya naging kabataang aktibista kaya gustong gusto nyang kasama sila palagi. Hindi kataka-taka, kasi ang sigasig, inisyatiba at katalinuhan ni Manang Jean ay mistulang pang kabataang estudyante at sobra-sobra pa. Dahil may mahaba-haba rin syang karanasan sa paggampan ng gawaing may kaugnayan sa tatlong pinakamahahalagang bagay sa buhay nya -- ang pambansang minorya, ang simbahan ng kasaysayan at ang gawaing pang sosyo-ekonomiko sa hanay ng mga organisasyon ng mga mamamayan.

Nagpakita ng di-mapapantayang determinasyon at kasipagan si Manang Jean sa paggampan ng gawain, maliit man o malaki ito. Kung nanaisin nya ay kaya nyang maging isang management consultant na ang bawat oras ng trabaho ay binabayaran ng libong pisong halaga subalit mas ginusto niyang gumalugad sa mga bulubundukin at bukirin at sa mga lugar ng mga manggagawa at maralitang tagalungsod bilang mananaliksik, tagapagsanay at evaluator. Labas sa mga pangunahing gawain ay isang mapagmahal at maunawaing kasama at kaibigan si Manang Jean. Magaling magluto, maayos sa bahay, palabasa, mapanuri, malikhain, disiplinado sa sarili at tiyak ko, pagagalitan ako ni Manang Jean at sasabihang, "Brenda, ang lalim ng Tagalog mo".

Jean with her impeccable English and knack for numbers is indeed a rarity. She can both write essays effortlessly and do financial analysis excellently.

Matapat sa ideolohiya, matalas sa pulitika at masinop sa organisasyon, si Manang Jean, sampu ng kanyang mga adhikain at paniniwala ay hinding-hindi malilimutan.